Ang "batch-match" ay ang taon-taong pagtitipon-tipon o reunion ng mga dating magkakaklase. Sa Pandan, ito ay karaniwang ginaganap dalawang beses sa isang taon. Sa kalagitnaan ng taon (Easter o summer) at tuwing Pasko. Kapag sinasabing batch-match ay sayawan ang kaagad naiisip ng mga Pandananon lalo na ng mga kabataan. Ito ay isang gabi ng kasiyahan at yugyugan kung saan bawat batch ay may kanya-kanyang mesa at mga handa sa loob ng plaza. Talaga namang puyatan at paumagahan ang drama ng lahat ng mga nakikilahok dito. Kaya naman ay talagang inaabangan ito ng lahat. Pero maliban sa sayawan ay may iba pang paraan ng pagsasagawa ng taunang pagtitipong ito.
Ito ay ang "padasar" na ang ibig sabihin ay nobena para kay Birhen Maria at iba pang santo. Ito ay pinaplano ng bawat batch at ginagawa sa loob ng siyam na araw. Ito ay kalimitang ginagawa tuwing gabi. Bawat gabi naman ay grupo ng kabatch na siyang naghahanda ng konting salu-salo pagkatapos ng dasal. Ang tawag naman dito ay "painuman". Sa Pandan, halos lahat ng batch ay ginagawa ito tuwing summer. At ang pinakapopular na nobena ay para sa Our Lady of Salvation. Ang ika-siyam na araw ay tinatawag na "tapos" o ang huling araw ng "padasar". Kung minsan ay nagpapamisa ang batch sa araw na ito bilang pasasalamat. Pero ano nga ba ang pumapasok sa isip ng lahat kapag naririnig na ang "tapos"? Ito ay ang handaan, kainan, at walang katapusang inuman.
Sa "padasar", ang "tapos" ay ang talaga namang pinaghahandaan ng lahat. May kuntribusyon na kinukolekta sa bawat kabatch. Ang maiipon ay ang gagastusin para sa pagkain. At siyempre para sa iinumin! Ano pa nga ba, kundi alak! Sabi nga, hindi kumpleto ang pagdiriwang kung walang alak na pagsasaluhan. Kung minsan na may sobra sa budget ay umaarkila pa ng "B5". Ang "B5" naman ang videoke machine na hinuhulugan ng limang pisong barya para makakanta. Ayos di'ba?! Mas masaya nga naman 'pag may kantahan. Kumpleto ang pagdiriwang, kuntento ang bawat isa.
Ganito tayong mga Pinoy, mahilig sa kasiyahan. Hindi alintana ang mga problema sa buhay kapag kasama ang iba at nagsasaya. Subalit may mga pagkakataon na nakakalimutan natin ang tunay na dahilan kung bakit natin ginagawa ang mga bagay na ito. Halimbawa sa "padasar". Bakit nga ba meron nito? Ano nga ba ang ipinagdadasal natin?
Minsan ay naghahanda kami para sa "padasar" ng aming batch. Isa-isa naming pinupuntahan ang mga bahay ng aming mga kabatch upang hikayatin silang makilahok dito. Ngunit sa mga kabatch na pinuntahan namin, naaalala ko na hindi iilan o halos karamihan ang nagtanong ng "Batch, sa'no tapos ning dasar?"(Batch, kelan ang huling araw ng dasal?) Hindi pa nga nagsisimula ay huling araw na kaagad ang tanong. Para bang ito lamang ang inaabangan sa padasar.
Kapag nagsimula naman ang "padasar" ay kaunti lamang ang mga kabatch na sumasali sa nobena. Ang iba nga ay dumarating lang sa "tapos" na lang talaga. Ang karaniwang dahilan lalo na ng mga lalaki ay hindi naman sila marunong magnobena kaya ayos lang 'yon. Sasabihin pa ng ilan na kaya lang naman may nobena ay para may "tapos". Ang "tapos" na tumutukoy lamang sa handaan at kasayahan. Sa bagay na ito, hindi kaya nagkakamali tayo. Lumalabas na palabas lamang pala ang siyam na araw na pagnonobena o pagdarasal para lamang magkaroon ng pagkakataong magkantahan at mag-inuman. Nakakalungkot mang isipin pero minsan ay may katotohanan.
Mas malala pa ay kapag napasobra na ng inom ang ilan, unti-unti nang nawawala sa tamang pag-iisip. At ang dapat na pagdiriwang ay nauuwi sa sakitan. Ang kasiyahan ay natatapos sa pag-awat doon sa mga nagsusuntukan. Ang pagtitipon na dapat sana ay simbolo ng pagkakaisa ay napupunta sa awayan. Awayan na kung tutuusin ay wala namang kabuluhan.
Sa puntong ito, may halaga ba ang ginawang "padasar"? O wala lang? Ang "padasar" ay hindi lamang ginagawa upang magkatipon-tipon ang mga dating magkakaklase at magkasiyahan. Ito ay pagpapasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob sa bawat taong nagdaraan. Pagpapasalamat din ito sa pagkakataong ang lahat ay nagiging kumpleto at nagkikita-kita minsan sa isang taon.
Hindi nagkakaroon ng "padasar" para magkaroon ng "tapos". Ang "tapos" ay pagsasaya dahil nagkaroon ng "padasar" kung saan sa loob ng siyam na araw o gabi ay nagkasama-sama ang lahat sa pagdarasal. Ito ang huwag sana nating kalilimutan lalo na bilang mga bagong sibol ng Pandan. Kung anuman ang nakaugalian ay dapat nating ipagpatuloy, sa tamang dahilan at paraan. Sa pamamagitan nito ay mas lalo tayong magkakabuklod-buklod bilang isang pamayanan at bilang isang bayan.
Uswag Pandan! Maligayang bakasyon sa lahat.
welcome Pandananons!!!pls let me know what you think..post your comments and suggestion..you are also welcome to share your topics about anything..email me at youngmindsofpandan@yahoo.com!
ReplyDeleteGreat job! This blog makes me really miss my roots-my Pandan,my Napo. Keep up the good work. I like your writing style.
ReplyDeleteTaga pandan man to,
Espie
thanks..
ReplyDeletepwede ka man po magshare ning imong thoughts..
anything..
just email it at youngmindsofpandan@yahoo.com..
https://saglamproxy.com
ReplyDeletemetin2 proxy
proxy satın al
knight online proxy
mobil proxy satın al
7XQMH